Agad pinuntahan ni Public Works Secretary Vince Dizon ang G. Araneta Ave. at E. Rodriguez Sr. Ave. matapos malubog sa baha ang lugar dahil sa pag-apaw ng San Juan River dulot ng walang tigil na pag-ulan.
Ayon kay Secretary Dizon, iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang agarang paglilinis ng mga basurang bumara sa drainage, kung saan siyam na truck ng basura ang nahakot nang humupa ang baha sa lugar.
Sinabi ni Dizon na kabilang din sa mga solusyong gagawin ang paglalagay ng water detention basins upang magsilbing pansamantalang imbakan ng tubig-baha at makatulong na maiwasan ang pag-apaw ng mga ilog sa Quezon City.
Iginiit ni Secretary Dizon na walang overnight solution sa baha sa Metro Manila, ngunit tuloy-tuloy ang mga flood mitigation measures ng pamahalaan upang mapabilis ang paghupa ng baha sa mga low-lying at flood-prone areas.