Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko laban sa influenza-like illnesses o ILI, kasabay ng mga kaso ng mala-trangkasong sakit na may kasamang ubo at sipon.
Kabilang sa mga sintomas nito ang lagnat, ubo, sipon, panghihina, pananakit ng katawan at ulo, pamamaga ng lalamunan, pagsusuka, pagtatae at panginginig.
Naipapasa ang sakit sa pamamagitan ng droplets mula sa pag-ubo o pagbahing at paghawak sa kontaminadong gamit bago hawakan ang mata, ilong o bibig.
Pinapayuhan ng DOH ang mga may sintomas na manatili sa bahay, magpahinga, uminom ng sapat na tubig, at umiwas muna sa mga high-risk individual.
Para makaiwas sa sakit, ugaliin ang paghuhugas ng kamay, tiyaking maayos ang bentilasyon, magsuot ng face mask kapag may sakit, at takpan ang bibig at ilong kapag umuubo o bumabahing.
Agad namang magpakonsulta o magtungo sa ospital kung lalampas sa 40 degrees Celsius ang lagnat, nahihirapang huminga o nakararanas ng iba pang malubhang sintomas.