Palaging transparent o bukas ang Office of the President (OP) pagdating sa mga biyahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa labas ng bansa.
Ito ang binigyang diin ni Communications Usec. Claire Castro kasunod ng pahayag ni Vice President Sara Duterte na dapat ding isapubliko ng Malacañang ang lahat ng travel authorities na ina-aprubahan ng Palasyo, kalakip ng gastos ng pondo ng taombayan sa mga ito.
Ayon kay Castro, hindi itinatago ng Palasyo ang mga biyahe ng pangulo.
“Patungkol sa budget, hindi rin po ito itinatago – kumpletong resibo, walang peke, walang alias. Maaari po itong makita at ito naman po ay nairi-report na rin po sa COA.” -Castro.
Mayroon aniyang kumpletong resibo ang bawat biyaheng ito, walang peke, at walang alias, pag dating sa liquidation, at nakikita naman aniya ito sa report sa Commission on Audit (COA).
“Sa parte po ng Office of the President, lagi naman pong transparent ang Office of the President pagdating po sa pagbibiyahe, nagkaroon pa nga po ng pagri-report, may kapihan pa po at nakikita po ninyo kung ano ang nangyari sa mga foreign trips, official visits, working visits ng ating Pangulo, hindi po iyan nakatago, hindi po iyan itinatago.” -Castro.
Paglilinaw ng opisyal, hindi sini-single out ang ikalawang pangulo, pagdating sa travel authorities, lalo’t nakadepende lamang ang tugon nila sa hinihinging impormasyon ng media.
“Patungkol po sa dapat na ma-publish or maibunyag ang ibang mga travel authorities, depende po iyan sa media kung sino po ang hihingan ninyo ng travel authority, kung sino ang naisyuhan ng travel authority, kami naman ay tutugon.” -Castro.
Kaugnay nito, sinabi ni Castro na kung sino ang nagdi-demand ng transparency ay siyang dapat maging transparent sa kaniyang mga aktibidad.
“Hindi po namin sini-single out, kailangan po talaga natin dito, transparency So, kung sino iyong nagdi-demand ng transparency, dapat maging transparent din siya sa kaniyang mga activities.” -Castro. | ulat ni Racquel Bayan