Ipinag-utos ng pamunuan ng Police Regional Office 6 (PRO6) ang pagpapaigting sa kaligtasan at seguridad ng mga mag-aaral sa mga paaralan sa Western Visayas.
Sa utos ni PRO6 Regional Director Police Brigadier General Randulf Tuaño sa lahat ng units, sinabing paiigtingin pa ang police visibility, regular patrols, information-gathering, at malapit na koordinasyon sa mga school administrator, mga magulang, at iba pang stakeholder.
Hinikayat din ang mga magulang na panatilihin ang bukas na komunikasyon sa kanilang mga anak at maging mapagmatyag sa anumang senyales ng distress o nakababahalang pag-uugali ng mga bata.
Dapat din aniyang agad iulat sa mga awtoridad ang anumang banta o impormasyong maaaring makaapekto sa kaligtasan ng paaralan.
Ipinaalala rin sa mga may-ari ng baril na responsibilidad nilang i-secure nang maayos ang mga ito upang hindi maabot ng mga bata at ng mga hindi awtorisadong tao.
Ayon sa PRO6, pananagutan ng lahat ang pagpapanatili ng ligtas na paaralan sa pamamagitan ng pag-iingat, koordinasyon, at agarang pag-uulat, upang maiwasan ang mga banta at matiyak na ligtas na kapaligiran ng mga mag-aaral. | ulat ni Diane Lear