Photo courtesy of ACT Teachers Party-list Facebook
Hiniling ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio na dagdagan ang pondo para sa education sector kasunod ng insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Zamboanga City.
Ayon kay Tinio, hindi dapat makompromiso ng budget cuts ang kaligtasan at kapakanan ng mga estudyante.
Iginiit niyang kailangang magkaroon ng sapat na guidance counselors, school nurses, at support personnel sa bawat paaralan, bukod sa pagtatayo ng mga silid-aralan upang mabawasan ang overcrowding.
Nanawagan din ang mambabatas para sa mas malaking pondo para sa mental health at psychosocial support programs sa mga paaralan at komunidad.
Binigyang-diin ni Tinio na ang tunay na school safety ay nangangailangan ng tuloy-tuloy na public investment at hindi lamang dagdag na presensya ng pulis sa mga paaralan.
Aniya, mas kailangan ng mga estudyante ang mga gurong may sapat na oras para sa kanila at mga counselor na handang makinig sa kanilang mga problema.
Iminungkahi rin niyang palakasin ang edukasyon tungkol sa human rights, social responsibility at pagpapahalaga sa sarili bilang bahagi ng pag-iwas sa karahasan.