Inilabas ng Council for the Welfare of Children (CWC) ang mga alituntunin mula sa Guide for Media Practitioners on the Reporting and Coverage of Children (2024) upang gabayan ang media, publiko, at social media users sa tamang pakikitungo sa mga balita o content na kinabibilangan ng mga menor de edad.
Ibinahagi ng CWC ang limang pangunahing paalala at gabay na dapat sundin sa pagbabalita o pag-share ng impormasyon online:
1. Karapatan at Dignidad sa Gitna ng Tragedya (Principle: Dignity)
- Iwasan ang Pag-label: Huwag kailanman tukuyin o tatakan ang bata batay lamang sa isang insidente o alegasyon laban sa kanya. Iwasan ang paggamit ng mga salitang tulad ng “suspect,” “shooter,” o “biktima.”
- Pahalagahan ang Buong Pagkatao: Ang bawat bata ay may sariling kwento, pamilya, at kinabukasan na hindi dapat mawala o masira dahil lamang sa isang kaganapan.
2. Pagprotekta sa Privacy sa Social Media (Principle: Privacy)
- Huwag Mag-repost ng Sensitibong Materyal: Kahit kumakalat na online, mahigpit na pinakikiusapan ang publiko na huwag nang i-share ang:
- Unblurred photos o mga larawang malinaw ang mukha ng bata
- Kumuha ng videos ng insidente
- Screenshots ng personal na accounts at group chats
- Anumang impormasyong makakatulong upang matukoy ang pagkakakilanlan ng bata.
- Pangmatagalang Epekto: Ang isang post sa internet ay maaaring manatili nang habambuhay at magkaroon ng matinding epekto sa buhay at paglaki ng bata.
3. Pag-alala nang may Sensitibidad sa mga Nasawing Bata (Principle: Dignity, Privacy, and Sensitivity)
- Gunitain ang Kanilang Buhay: Sa mga pagkakataong may batang nasawi sa isang trahedya, alalahanin sila kung sino sila bilang tao at ang naging magandang epekto nila sa iba, at hindi lamang kung paano sila nawala.
- Magdalawang-isip Bago Mag-post: Bago magbahagi ng pangalan, larawan, o detalye ng kanilang pagkamatay, itanong muna: Nakakatulong ba ito para alalahanin ang bata bilang tao, o nakatuon lamang sa masakit na pangyayari?
4. Ang Trauma ng Bata ay Hindi Content (Principle: Sensitivity, Dignity, Participation, and Agency)
- Limitahan ang Video ng Trauma: Ang videos ng mga batang nasa gitna ng takot, panganib, o matinding emosyon ay dapat ibahagi lamang kung may malinaw at mahalagang layunin para sa kapakanan ng publiko.
- Maging Maingat sa Pag-interview: Hindi lahat ng batang nakasaksi o nakaranas ng trauma ay handang ma-interview. Hindi sapat ang simpleng “pahintulot ng magulang”—kailangan din ang bukal sa loob na pagsang-ayon (assent) ng bata at evaluation mula sa isang licensed social worker o child protection professional.
5. Katotohanan vs. Karapatan ng Bata (Principle: Privacy and Sensitivity)
- Hindi Lahat ng Totoo ay Kailangang I-post: Kahit beripikado ang isang impormasyon, piliin lamang ang mga detalyeng kinakailangan. Ang paglabas ng personal na impormasyon (tulad ng paaralan, grade level, o tiyak na address) ay maaaring maglagay sa bata sa panganib.
- Balansehin ang Pananagutan at Karapatan: May karapatan ang publiko sa katotohanan, ngunit maaari pa ring hanapin ang hustisya nang hindi naapakan ang karapatan ng bata sa dignidad, privacy, at proteksyon—maging sila man ay biktima, saksi, o batang nasa salungat sa batas (Child in Conflict with the Law o CICL).
Saan Maaaring Mag-report?
Kung may makitang balita, video, o post sa social media na nag-eexpose o nagsasamantala sa mga bata, agad itong i-report sa CWC MAKABATA Helpline 1383 para sa posibleng pag-take down:
- Hotline: 1383
- Smart: 0919-354-1383
- Globe: 0915-802-2375
- Social Media: Makabata Helpline 1383 (Facebook at Instagram)
- Email: makabatahelpline@cwc.gov.ph
- App: DICT eGov Super App
Ipinapaalala ng mga gabay na ito na ang kaligtasan, kapakanan, at dignidad ng bawat bata ay laging dapat manguna kaysa sa pagnanais na maging tanyag o magpakalat ng balita. Ang trauma at trahedya ng isang bata ay hindi kailanman dapat gawing “content” o instrumento para sa pansariling interes sa social media. Tungkulin ng bawat isa mula sa media hanggang sa ordinaryong netizens na maging responsable at protektahan ang kanilang kinabukasan sa pamamagitan ng paggarantiya na ang kanilang privacy, karapatan, at dignidad ay mananatiling buo at respetado.