Umakyat sa 64.7 porsyento ng kabuuang retail payments sa bansa ang mga digital payment noong 2025.
Ipinapakita nito ang patuloy na paglipat ng mga Pilipino sa mas mabilis at mas convenient na elektronikong pagbabayad, dahilan upang maabot ang target range para sa taong 2023–2028.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang antas noong 2025 ay pasok sa 60–70 porsyentong target na nakasaad sa Philippine Development Plan 2023-2028.
Paliwanag ni BSP Governor Eli Remolona, Jr., patuloy na nakikipagtulungan ang BSP sa industriya at mga kasosyo sa pamahalaan upang palawakin ang digital payments para sa kapakinabangan ng mas maraming Pilipino at ng buong ekonomiya.
Aniya, malaking bahagi ng paglaking ito ay dahil sa interoperability o ang pagtiyak na ang dumaraming negosyo at service provider ang tumatanggap ng digital payments.
Inaasahan ng BSP na magpapatuloy ang momentum ng digital payments, sa tulong ng mga patakarang naglalayong gawing mas madaling ma-access at mas abot-kaya ang mga e-payments.