Hawak ng House Prosecution Team ang mga selyadong dokumento at opisyal na rekord na nagpapatunay sa paulit-ulit na pag-iwas ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang mga opisyal sa mga imbestigasyon ng Kongreso.
Ayon kay prosecution legal spokesperson Atty. Jay Tolosa, lumitaw sa direct examination ni House Prosecutor Lordan Suan at testimonya ng House archives chief Marivic Pareja na sadyang hinaharang ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) ang mga hakbang ng mababang kapulungan.
Kabilang dito ang liham mula kay dating OVP Chief of Staff Zuleika Lopez kay COA Chairman Gamaliel Cordoba na nag-aatas na huwag sundin ang subpoena ng Kongreso.
Ang sulat mismo ni VP Duterte sa House Committee on Good Government and Public Accountability na nagpapahayag ng desisyong hindi dadalo at humihiling na itigil ang pagdinig.
At ang position paper ng mga opisyal ng DepEd at OVP na hindi pagdalo sa congressional hearing.
Umaasa aniya ang prosecution panel na makikita ang pag-iwas na ito ng pangalawang pangulo sa pananagutan.