Ipinag-utos ni Zamboanga City Mayor Khymer Adan Olaso sa pulisya na tugisin ang mga indibidwal na nagbabanta sa social media na mayroon pang mangyayaring insidente ng karahasan kasunod ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University kamakailan.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Mayor Olaso, sinabi nito na kinakailangan nang agarang aksyon mula sa pamahalaan ang mga ganitong uri ng insidente dahil nagiging “trend” na umano ito lalo na sa mga kabataan na mahilig tumutok sa mga video o content sa social media na may impluwensya ng western culture.
Nanawagan din ang opisyal sa pamahalaang nasyunal, partikular sa mga mambabatas, na lumikha ng batas na mabilisang maipatutupad upang mapigilan ang mga karahasan na nangyayari sa mga paaralan sa bansa.
Ipinaabot din ng alkalde ang pakikiramay sa mga pamilya ng nasawi dulot ng insidente at nagdeklara ng “Day of Mourning” sa lungsod.
Samantala, sinabi rin ni Olaso na magsasagawa sila ng counseling sa mga mag-aaral na nasa loob ng silid-aralan na pinangyarihan ng insidente upang mawala ang trauma na kanilang narasan.
Binigyang-diin din ng opisyal ang panawagan na maging responsable ang mamamayan sa paggamit ng kani-kanilang mga social media account upang maiwasan ang pagkalat ng fake news at misinformation.