IN PHOTOS | Education Secretary Sonny Angara reaffirmed the essential role of teachers and parents in protecting learners' well-being and ensuring schools remain safe environments, following a recent tragic incident in Zamboanga City. To support this initiative, the Department of Education is strengthening nationwide mental health interventions, deploying School Counselor Associates, and broadening community partnerships to bolster crisis response and early intervention.
Muling pinatunayan ni Education Secretary Sonny Angara ang mahalagang papel ng mga guro bilang mga mapagkalingang tagagabay na nagtataguyod sa pangkalahatang kapakanan ng mga mag-aaral, kasunod ng nakalulungkot na insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Zamboanga City.
Alinsunod sa mga direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na panatilihing ligtas ang mga paaralan, hinimok ni Angara ang mga pamunuan ng paaralan sa buong bansa na patatagin ang mga support system na tutulong sa mga gurong lumikha ng protective na kapaligiran sa loob ng silid-aralan.
“Checking in on our learners is an inherent strength of our educators, lalo na ang ating mga class adviser na nakakasalamuha nila araw-araw,” pahayag ni Angara, na nagtungo sa Zamboanga City upang pangunahan ang mga emergency intervention effort kasama ang komunidad ng paaralan at lokal na awtoridad, at magpaabot ng pakikiramay sa mga naulilang pamilya.
“Following President Bongbong Marcos’ mandate, we must ensure that our teachers truly know their learners, that they do not just teach, but also actively check on their learners’ well–being. In the wake of this tragic event, we are reminded that building safe schools goes beyond physical security measures and emergency protocols,” dagdag ni Angara.
Kasabay nito, binigyang-diin din ni Angara ang mahalagang papel ng mga magulang sa kapakanan ng mga mag-aaral, at hinimok ang mga paaralan sa buong bansa na lubos na makipagtulungan sa mga Parent-Teacher Association (PTA) bilang mga katuwang sa pagpigil sa karahasan sa loob ng mga paaralan.

Binigyang-diin ng Department of Education (DepEd) na ang direktang ugnayan ng guro at mag-aaral ang nagsisilbing pangunahing linya ng suporta upang matukoy ang mga maagang babala o early warning signs ng problema.
Upang suportahan ito, muling pinagtibay ni Angara ang komitment ng DepEd na bigyang-prayoridad ang mental health ng mga mag-aaral at palawakin ang mga intervention program sa buong bansa.
Nilinaw rin ni Angara na ang pagsubaybay sa mga pagbabago sa pag-uugali ng bata ay hindi nangangahulugang kailangang umaktong mental health professionals o disciplinarians ang mga guro. Sa halip, layunin nitong bumuo ng isang maunawaing kapaligiran kung saan madaling mapapansin ng mga edukador ang mga red flag upang agad na maikonekta ang estudyante sa mga propesyonal na suporta.
Upang mapangalagaan din ang kapakanan ng mga guro habang pinapatingkad ang proteksyon sa mga mag-aaral, pinabilis ng DepEd ang pagtatalaga ng mga School Counselor Associate (SCA) na hahawak sa mga specialized intervention at magpapagaan sa mga non-teaching administrative burden ng mga guro.

Bukod dito, pinatitibay din ng DepEd ang referral at crisis response mechanisms nito. Sa pamamagitan ng Learners TeleSafe Contact Center Helpline (#33733 / 0945 175 9777), direktang makikipag-ugnayan ang mga estudyante at kawani ng paaralan sa mga eksperto mula sa National Center for Mental Health para sa agarang crisis response at pag-uulat ng mga usaping pang-kaligtasan.
Pinapalawak din ng mga komunidad ng paaralan ang early intervention networks sa pamamagitan ng pagpapatibay ng pakikipagtulungan sa mga PTA, lokal na pamahalaan (LGU), at kapulisan upang matiyak na ang kaligtasan ng mga mag-aaral ay nananatiling sama-samang responsibilidad ng lahat.
Sa pakikipagtulungan sa mga Parent-Teacher Association bilang katuwang sa kaligtasan ng mga paaralan, layunin ng DepEd na palakasin ang bukas na komunikasyon sa pagitan ng tahanan at paaralan upang maagang matukoy ang mga red flag at maiwasan ang anumang insidente bago pa ito maganap.
“We are taking concrete steps so that our schools are backed by guidance support personnel, clear referral systems, and community partnerships, ensuring our teachers and learners have someone to turn to in times of need,” sinabi pa ni Angara. | Press Release from Department of Education (DepEd)