Nanawagan ang Philippine National Police (PNP) ng patuloy na pagbabantay at mas malakas na pakikilahok ng komunidad upang mapanatiling ligtas ang mga estudyante.
Ayon kay PNP Chief PGEN Jose Melencio Nartatez Jr., hindi dapat umasa lang sa mga pisikal na hakbang pangseguridad ang proteksyon sa mga mag-aaral.
Aniya, kailangang mas mahigpit na makipagtulungan ang pulisya sa mga paaralan at komunidad upang matukoy ang mga banta bago pa mauwi sa karahasan.
Hinikayat naman ni Nartatez ang mga magulang, guro, mag-aaral, at komunidad na panatilihin ang bukas na komunikasyon at agad na ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang banta o kahina-hinalang kilos.
Matatandaang naganap ang pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University noong August 18, na ikinasawi ng dalawang mag-aaral at ikinasugat ng dalawa pa.