Sinimulan na ng Philippine National Police (PNP) ang digital forensics sa mga ebidensya kaugnay ng malagim na pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University nitong Martes.
Bahagi ito ng malalimang imbestigasyon na isinasagawa ng pulisya upang matukoy ang ugat ng pangyayari ngayong pumanaw na rin ang pangunahing sangkot sa krimen.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., nais niyang malaman kung ano ang nagtulak sa nasawing Child in Conflict with the Law (CICL) para gawin ang karumal-dumal na hakbang.
Batay sa ulat ng Zamboanga City Police Station, nakarekober ng isang cellphone at iba pang personal na gamit ang pulisya mula sa Grade 8 student na namaril noong Martes.
Isang estudyante ang napatay at ilang iba pa ang nasugatan bago nagpakamatay ang suspek.