Nagbigay na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng Psychological First Aid o PFA sa mga estudyante ng Ateneo de Zamboanga University na naapektuhan ng insidente noong Martes.
Walong estudyante na nasa edad 11 hanggang 14, ang nakatanggap ng psychological intervention mula sa mental health professionals ng DSWD Field Office 9, nitong Miyerkules.
Layon ng intervention na mabigyan ang mga estudyante ng ligtas na espasyo para maproseso ang kanilang emosyon at matulungan silang makayanan ang trauma dulot ng insidente.
Tiniyak naman ng DSWD na nakahanda itong magbigay ng karagdagang psychological at social services, kabilang ang Enhanced Trauma-Informed Care, tulong-medikal at Parent Effectiveness Sessions para sa mga estudyante, magulang at iba pang miyembro ng school community.