Itinaas ng Department of Health (DOH) ang Code White Alert at mahigpit na mino-monitor ang posibleng pagtaas ng kaso ng leptospirosis matapos ang malawakang pagbaha dulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.
Ayon sa color-coding system ng DOH, ang Code White Alert ay nangangahulugan na nakahanda ang mga ospital na tumugon sa mga emergency. Kabilang dito ang mga general at orthopedic surgeon, anesthesiologist, internist, operating room nurse, ophthalmologist, at mga espesyalista sa mata, tainga, ilong at lalamunan.
Sa isang Palace press briefing, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nakikipag-ugnayan din ang DOH sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa pamumuno ni Health Secretary Edwin Mercado, nananatiling operational ang mga pasilidad ng DOH at may sapat na suplay ng gamot at iba pang medical supplies sa mga apektadong Centers for Health Development (CHDs).
Sinabi ni Castro na may humigit-kumulang 3.1 milyong doxycycline capsules na ang nakahanda sa DOH Central Office. May sapat ding suplay ang 17 CHDs ng DOH para sa pangangailangan ng mga ospital at lokal na pamahalaan.
“Nakatutok din ang DOH, sa pangunguna ni Secretary Edwin Mercado, sa posibleng pagtaas ng kaso ng leptospirosis dulot ng malawakang pagbaha. Kaugnay nito, nananatiling operational at sapat ang supply ng mga pasilidad ng DOH habang nakataas ang Code White Alert sa mga apektadong centers for health development,” ani Castro.
Patuloy namang pinapaalalahanan ng DOH ang publiko na iwasang lumusong sa baha kung maaari. Pinapayuhan din ang mga nakaranas ng exposure sa maruming tubig na agad magpatingin kung makaramdam ng mga sintomas.
“Sapat ang supply ng gamot para tumugon sa pangangailangan ng mga ospital at lokal na pamahalaan,” ayon pa sa Palace official. | PND