Sisiguruhin ng Kamara ang pagpapatuloy ng mga programa para sa mental health at proteksyon ng mga estudyante sa susunod na taon, kasunod ng tumitinding pangamba sa karahasan sa mga paaralan.
Ayon kay Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong, vice chair ng House Committee on Appropriations, lalong kailangan maipagpatuloy ang naturang mga programa matapos ang panibagong insidente ng pamamaril sa isang paaralan nsa Zamboanga.
Kaya naman sa susunod na budget briefing aalamin aniya nila kung gaano na kalaki ang nagamit ng Department of Education sa mga pondong inilaan para sa mga programang ito at kung ilan na sa mga target na personnel ang aktuwal na na-hire.
Sa ilalim ng 2026 budget, P2.37 bilyon ang inilaan para sa school-based mental health program, kabilang ang 10,000 School Counselor Associate positions para palawakin ang mental health services sa mga paaralan.
Layunin ng programa ang regular na assessment sa mental health ng mga estudyante at pagpapatupad ng mga programang tutugon sa bullying at karahasan sa mga paaralan.
Mayroon ding P89.92 bilyon sa 2026 DepEd budget para sa Child Protection Program na nakatuon sa pagprotekta sa mga mag-aaral laban sa pang-aabuso.
Mahalaga aniya ang magiging utilization rate ng kasalukuyang pondo sa pagtukoy kung kailangan pang dagdagan ang alokasyon para sa 2027, habang tinitiyak na magpapatuloy ang school-based mental health program. | ulat ni Kathleen Forbes