Hindi na ikinagulat ni Senador Ping Lacson ang pagre-recant ni dating Marine Orly Guteza sa mga nauna nitong pahayag tungkol sa umano’y paghahatid ng pera kay dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Lacson, matagal nang naitala sa Senate Blue Ribbon Committee hearing na “coached witness” si Guteza ni Senator Rodante Marcoleta.
Naganap aniya ang coaching sa pagdinig noong September 23, 2025, kung saan sinabi ni Lacson na makikita sa live proceedings ang tila pag-prompt ni Marcoleta kay Guteza sa mga sasabihin nito.
Pinunto rin ng senador na sunod-sunod na ang pagbaligtad ng ilang tinawag niyang “Maleta boys,” kaya hindi na rin nakapagtataka ang naging hakbang ni Guteza.
Sinabi ni lacson na ang kaso ni guteza at ng iba pang ‘maleta boys’ ay tila nagpapakita ng pagtatangkang kumita nang personal mula sa kanilang diumano’y pagkakasangkot sa flood control scandal.
Nauna nang sinabi ni Lacson na may Senate CCTV records na nagpapakitang nagtungo si Guteza sa opisina ni Marcoleta at nanatili doon nang halos 30 minutes bago humarap sa Blue Ribbon hearing. | ulat ni Nimfa Asuncion