Walang-patid ang isinasagawang monitoring ng National Irrigation Administration (NIA) pagdating sa lebel ng tubig sa Magat at Pantabangan Dam na kapwa pinangangasiwaan ng NIA, base na rin sa naging utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa panayam ng programang BOSES kay NIA Administrator, Engr. Eddie Guillen, sinabi nitong malayo pa naman sa flood season critical level ang tubig sa dalawang dam.
Sa Magat dam, nasa 10 metro pa ang nalalabi bago ito umabot sa critical level, habang 30 metro pa ang kinakailangan bago maabot ng Pantabangan dam ang danger level pagdating sa spilling capacity nito.
Kaugnay nito binigyang-diin ni Guillen, na bagamat may dalang pinsala ang mga serye ng bagyo at matinding ulan na dala ng Habagat ay naging napakalaking tulong naman nito upang maibsan ang alalahanin ng mga magsasaka sa patubig.
Partikular na nagpasalamat ang mga magsasaka ng palay dahil naiwasan ang pagkasira at pagkatuyo ng kanilang mga ani.