Pinasalamatan ng Bureau of Immigration (BI) ang Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) matapos isama sa pangunahing legislative agenda ng 20th Congress ang modernisasyon ng ahensya.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, mahalagang mapalitan na ang Philippine Immigration Act of 1940 na 86 taon nang umiiral at hindi na umano sapat sa kasalukuyang hamon sa border security.
Sinabi ni Viado na kailangan ng mas makabagong batas para tugunan ang human trafficking, illegal recruitment, foreign fugitives, transnational crime, at mabilis na paggalaw ng mga biyahero sa mga international border.
Inaasahang palalakasin ng panukalang modernisasyon ang border security, immigration enforcement, mga patakaran at paggamit ng makabagong teknolohiya.
Nakasaad din sa legislative agenda ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagbibigay sa BI ng mas malinaw at makabagong legal framework para sa pangangasiwa ng Immigration.