Photo courtesy of Department of Tourism
Hindi nawawala ang pagkain kapag pinag-uusapan ang turismo. Ayon sa Department of Tourism – National Capital Region (DOT-NCR), nananatiling isa sa mga hinahanap-hanap ng mga turista sa Metro Manila ang mga pagkaing sumasalamin sa kultura ng bawat lungsod.
Sa programang Pasyal Pinas, ibinahagi ni DOT-NCR Officer-in-Charge Regional Director Catherine Agustin na uso na ngayon ang experiential travel sa mga turista kung saan aktibong silang nakikilahok, nakikihalubilo, at natututo sa kultura, kasaysayan, at pang-araw-araw na buhay sa isang lugar, sa halip na basta lamang tumingin sa mga pasyalan.

“Naipapakita rin natin ang ating kultura sa pamamagitan ng ating pagkain. And food continues to be one of Metro Manila’s most compelling tourism experiences,” ani Agustin.
Dahil dito, bumubuo ang naturang ahensya ng food strip map na layong tukuyin ang Metro Manila food streets para isama sa mga inaalok na tour.
“Kaya marami na ngayon sa iba’t ibang lungsod sa Metro Manila ang mayroong tinatawag na food strip. We [DOT-NCR] identify and validate key food streets. Gumagawa rin ang DOT-NCR ng food maps and promotional materials for culinary tourism circuits,” dagdag pa ni Agustin.
Kabilang sa dinarayong food streets sa Kalakhang Maynila ang Binondo, Maginhawa, Muntinlupa at Malabon.