Hihigpitan pa ng Philippine National Police (PNP) ang mga panuntunan at umiiral na patakaran hinggil sa hindi maayos na pagtatago ng armas ng mga pulis.
Ito’y para maiwasan ang pagkakaroon ng access ng mga bata at iba pang hindi awtorisadong indibidwal sa mga baril na inisyu sa mga pulis.
Kasunod nito, pinaalalahanan ni PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr, ang mga pulis na maging responsable sa pag-iingat ng kanilang armas lalo na kapag sila’y off-duty at nasa bahay.
Ipinag-utos din niya sa mga police commander na paalalahanan ang kanilang mga tauhan hinggil sa pananagutan sa mga baril sa panahon ng mga unit briefing at formation.
Layon nito na palakasin ang kamalakayan ng mga tauhan at maiwasan ang mga insidenteng dulot ng hindi wastong pag-iingat ng armas.