Patuloy na nadaragdagan ang bilang ng mga apektado ng masamang panahon dulot ng pinagsamang epekto ng mga nagdaang bagyo gayundin ng Habagat.
Batay sa pinakahuling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), pumalo na sa 1,905,622 pamilya o katumbas ng 6,620,335 indbidwal ang apektado sa 11 rehiyon sa bansa.
Buhat ito sa mga rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol, Western at Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, NCR, Cordillera, CALABARZON at MIMAROPA.
Sa nasabing bilang umakyat na sa 15,523 pamilya o katumbas ng 52,543 indibidwal ang pansamantalang nanunuluyan sa may 701 na mga evacuation center.
Nananatili naman sa 29 ang bilang ng mga napaulat na nasawi, 19 ang sugatan at 3 ang nawawala habang pumalo naman sa mahigit 2,000 ang mga napinsalang kabahayan.
Pumalo naman na sa mahigit P4.8 bilyon ang naitalang pinsala sa Imprastraktura habang nasa P1.7 bilyon ang naitalang pinsala sa agrikultura.
Aabot naman sa mahigit P1 bilyong halaga ng tulong ng naipaabot na ng pamahalaan sa mga apektado ng kalamidad.