Pormal nang binuksan ang Feria de Camarines trade fair nitong Huwebes, tampok ang iba’t ibang local na produkto ng lalawigan ng Camarines Sur sa isang mall sa Mandaluyong City.
Kalahok dito ang 55 micro, small, and medium enterprises (MSME), na alok ang iba’t ibang mga paninda gaya ng pagkain, damit, at handicrafts, sa kani-kanilang mga booth sa Grand Atrium ng Shangri-La Plaza.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na dinala ng Department of Trade and Industry o DTI Camarines Sur sa Metro Manila ang flagship provincial trade fair nito, na sinimulan noong 2022, na naglalayong palakasin ang mga MSMEs.
Ayon kay DTI Camarines Sur Provincial Director Jay Percival Ablan, ang pagkakataon na ito para sa Feria de Camarines ay patunay ng magandang kalidad ng mga local products, na kaya ring makipagsabayan sa mas malalaking brands.
Highlight din ng trade fair ang sari-saring coconut-based products na tinutulungang mapalago sa ilalim ng Coconut Farmers and Industry Development Plan.
Ayon kay DTI Regional Operations Group Assistant Secretary Leonila Baluyut, tuloy-tuloy ang suporta ng pamahalaan sa mga coconut farmer at entrepreneur sa Bicol region at sa iba pang lugar sa bansa upang mapalakas ang kanilang kabuhayan, gamit ang modernong teknolohiya.
“Our goal is not simply global recognition. We want our cocopreneurs to find buyers, expand their business, earn more, and create more jobs,” pahayag ni Asec. Baluyut.
Bukas sa publiko ang Feria de Camarines Trade Fair sa Shangri-La Plaza hanggang sa Linggo, August 23.