Tumaas pa ang mga kaso ng leptospirosis sa Quezon City.
Batay sa pinakahuling datos ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division, lumagpas na sa alert threshold ang mga kaso ng leptospirosis sa lungsod kasabay ng patuloy na pag-ulan na dulot ng habagat.
Sa tala, umabot sa 62 ang bagong kaso at lima ang nasawi mula August 5 hanggang 18 ngayong taon.
Katumbas ito ng 138% ng pagtaas kumpara sa nakaraang dalawang linggong surveillance period.
Nasa pagitan ng edad 4 hanggang 74 ang mga tinamaan ng sakit.
Nanguna naman ang Barangay Commonwealth sa bilang ng naitalang kaso na umabot sa walo, sinundan ng Pasong Tamo na may apat. May tig-tatlong kaso naman sa Batasan Hills, U.P. Campus, Bagong Silangan, at San Antonio.
Sa kabuuan, umabot na sa 197 ang kaso ng leptospirosis sa lungsod at 24 ang nasawi mula nang magsimula ang taon hanggang nitong August 18.