Nangako ang Philippine National Police (PNP) ng buong suporta sa nationwide school safety drills ng Department of Education (DepEd) sa August 25.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., magpapakilos sila ng sapat na bilang ng tauhan at kinakailangang resources para sa nasabing pagsasanay, at titiyakin nilang maayos na maipapatupad ang mga safety measure sa bawat paaralan.
Makatutulong aniya ang mga drill upang maunawaan ng mga mag-aaral, guro, at school personnel kung ano ang dapat gawin kapag may banta sa seguridad, at mapapahusay din nito ang koordinasyon ng pulisya sa mga awtoridad ng paaralan at opisyal ng lokal na pamahalaan.
Inatasan naman ni Nartatez ang mga lokal na police unit na makipag-ugnayan sa mga paaralan at opisyal ng barangay bago at habang isinasagawa ang mga drill, kabilang na ang usapin ng police response at komunikasyon.
Matatandaang ipinag-utos ng DepEd ang pagsasagawa ng School Safety Drill sa mga paaralan sa buong bansa sa August kasunod ng mga naitatalang insidente ng pag-atake sa mga paaralan.