Photo courtesy of Representative Audrey Zubiri Facebook
Isinusulong ni Bukidnon 3rd District Representative Audrey Zubiri na patawan ng mas mabigat na parusa ang mga gun owner na nagpapabaya sa pagtatago ng kanilang mga baril.
Bunsod na rin ito ng magkakasunod na insidente ng pamamaril sa loob ng paaralan, isa sa Tacloban City at ang pinakahuli ay sa Zamboanga City.
Diin ng mambabatas, hindi na lang ito basta usapin ng pagbigay lisensya o registration ng armas kundi kung paano ligtas na itinatago ang mga ito lalo na sa loob ng mga tahanan.
“At this moment, I think the burden lies on the parents and not only what the children consume from media anymore. These firearms are becoming more accessible even to children,” ayon sa Bukidnon representative.
Bagamat naiintindihan ni Zubiri ang pangangailangan ng ilan sa pagmamay-ari ng baril, dapat aniya tiyakin ng mga gun owner na hindi ito madaling maa-access ng mga bata.
Sa ilalim ng Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, kailangan ng mga lisensyadong gun owner na gumamit ng vault, locked container o iba pang security measures sa pag-iingat ng baril.
Gayunman, sinabi ni Zubiri na walang malinaw na parusa sa batas para sa improper storage ng baril.
Giit niya, kailangang palakasin ang safe-storage rules upang hindi lamang mapanagot ang mga pabaya, kundi higit na maiwasan ang mga trahedya at maprotektahan ang mga bata.
“Our schools should be places where children feel safe—not places where they have to fear a firearm that should never have reached them. I call on my fellow legislators to act on this matter—not only to punish wrongdoing, but to prevent tragedies and protect our children before this becomes a trend,” ani Zubiri.