Umabot na sa 88 lugar sa Luzon ang isinailalim sa state of calamity dahil sa epekto ng magkakasunod na Bagyong Luis, Maymay, at Neneng, gayundin ng habagat.
Ito ay batay sa pinakahuling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Kabilang sa mga lugar na ito ang buong lalawigan ng Bulacan, Cavite, Pampanga, at Bataan.
Nasa ilalim din ng state of calamity ang Santa Barbara, Mangaldan, Bugallon, at Mangatarem sa Pangasinan, pati na ang Dagupan City; Masinloc sa Zambales; Montalban sa Rizal; at Nasugbu sa Batangas.
Samantala, mahigit 6.6 milyong indibidwal o mahigit 1.9 milyong pamilya ang naapektuhan ng masamang panahon, kung saan mahigit 52,000 indibidwal o mahigit 15,000 pamilya ang pansamantalang lumikas sa mga evacuation center.
Umabot naman sa mahigit 4.8 bilyong piso ang halaga ng pinsala sa sektor ng imprastraktura, habang mahigit 1.7 bilyong piso naman ang naitala sa agrikultura.