Hindi tumitigil ang Metropolitan Manila Development Authority o MMDA sa pagpapaunlad at pagpapalakas pa ng mga kasalukuyang pumping stations sa Metro Manila.
Kinumpirma ni MMDA Chairman Atty. Romando Artes na nakikipagtulungan na sila sa Department of Public Works and Highways upang iangat pa ang kapasidad ng mga pumping stations sa buong National Capital Region.
Partikular na tinukoy ni Artes ang improvement sa Tripa de Gallina Pumping Station sa Pasay upang mas marami pang basura ang makolekta at mas mabilis na mapahupa ang baha.
Nakikipagtulungan din ang DPWH sa pagpapataas pa ng kapasidad ng iba pang pumping stations gayundin sa mga bagong pumping stations na itatayo pa lang.
Ayon kay Artes, nananatiling committed ang Administrasyong Marcos sa tuluyang pag-resolba ng problema sa baha sa Metro Manila at maging sa buong bansa.
