Nanawagan sa Kongreso ang Game Developers Association of the Philippines na palakasin pa ng pamahalaan ang kampanya nito pagdating sa pagpapaalam sa publiko na may mga nakalagay nang parental control mechanisms sa mga existing games at applications para sa mga kabataan.
Ito ang naging pahayag ni Game Developers Association of the Philippines President Ria Lu sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality kaugnay ng sunod-sunod na insidente ng karahasan sa paaralan at tila pagtuturo ng ilan sa online games, tulad ng Roblox, na sanhi umano ng mararahas na aktibidad sa mga kabataan.
Ayon kay Lu, mahalagang mabigyan ng kamalayan ang mga magulang o guardian na dapat magsimula muna sa tahanan ang screening ng aktibidad ng mga kabataan at magamit nang mabuti ang parental controls.
Madalas kasing nangyayari ngayon ay basta na lang ibinibigay ng magulang ang gadget sa mga bata sa dahilang abala sila sa gawain o trabaho, dahilan para mawalan ng totoong kontrol sa mga nakikita o nilalarong in-app games ng mga bata.
Binigyang-diin din ng nasabing grupo na hindi dapat ang Roblox lang ang sisihin dahil ang totoong salarin sa mararahas na akto ng mga kabataan ay ang third-party players sa Roblox na siyang gumagawa ng mga larong kinahuhumalingan ng mga kabataan.
