Ikinababahala na ngayon ng Department of Education ang tila lumalalang “school paralysis” bunsod ng mga insidente ng karahasan sa mga paaralan.
Sa isinagawang pagdinig ng Senado, sinabi ni Education Undersecretary Malcolm Garma, bukod sa aktwal na karahasan ay problema rin nila ngayon ang mga online threats dahil oras na makakuha ng impormasyon dito ay awtomatiko na ring kanselado ang pasok saanmang paaralan ito nangyari.
Bunsod nito ay hindi lang mismong mga klase ang napaparalisa kundi maging ang pagkatuto ng mga estudyante.
Kaya naman iminungkahi na ng DepEd na taasan ng Kongreso ang penalty hindi lang sa “actual act,” kundi sa pagbibiro o pagbabanta rin ng paggawa ng karahasan.
Pinapurihan din ng DepEd ang nagiging pagtugon dito ng Philippine National Police at iba pang awtoridad dahil nasasakote naman ang mga gumagawa ng mga pagbabanta.
Sa ngayon, tuloy ang pagtutok ng DepEd sa pagtataas ng antas ng seguridad sa lahat ng paaralan sa bansa.
