Isinusulong ngayon ng Department of Education (DepEd) sa kanilang panukalang pondo para sa susunod na taon ang pagkuha ng karagdagang security personnel gayundin ang pagpapatatag sa security infrastructure ng mga paaralan.
Layon nito, ayon sa DepEd, ay para matugunan ang kakulangan sa seguridad na lumabas sa pambansang security audit bunsod ng mga naitatalang insidente ng karahasan sa mga paaralan.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, hindi lamang physical security ang kailangang palakasin kundi maging ang prevention and recovery para maiwasan ang karahasan.
Samantala, itinutulak din ng kagawaran na mapondohan ang pagtatalaga ng mga School Counselor Associate.
Nakikipagtulungan ang DepEd sa mga Lokal na Pamahalaan, Pulisya, mga opisyal ng paaralan at mga katuwang na ahensya para pagtibayin ang mga protocol sa seguridad habang pinaiigting ang mga hakbang para protektahan ang mga mag-aaral.

