May paglilinaw ang PNP Finance Service hinggil sa kumakalat sa social media ukol sa umano’y one-month moratorium sa loan payments ng mga police personnel.
Ayon sa Finance Service, wala itong ipinataw, idineklara, inaprubahan o inilabas na naturang moratorium sa mga bangko, lending companies at iba pang financial institutions.
Nilinaw din nitong hindi ito ang tanggapan na nag-aapruba o nagpo-proseso ng loan moratorium at wala rin itong natanggap na anumang opisyal na direktiba o awtorisasyon hinggil dito.
Paalala ng Finance Service sa mga pulis, ipagpatuloy ang pagbabayad sa kanilang obligasyon alinsunod sa kanilang loan agreements, maliban kung may opisyal na abiso mula sa kanilang financial institution o kinauukulang awtoridad.
Hinimok din ang mga pulis na paniwaalan lamang ang mga impormasyon na nagmumula sa official channels ng PNP upang maiwasang mabiktima ng maling impormasyon.