Kumikilos na ang Valenzuela LGU para maisaayos ang malalalim na lubak at iba pang pinsala sa ilang kalsada sa Valenzuela, kabilang ang kahabaan ng MacArthur Highway na dulot ng halos tatlong linggong tuloy-tuloy na pag-ulan at pagbaha.
Ayon sa Valenzuela LGU, nagsagawa na ng pansamantalang pagkukumpuni ang City Engineering Office at Department of Public Works and Highways o DPWH sa mga nasirang bahagi para matiyak ang kaligtasan ng mga motorista.
Samantala, sinimulan na rin ang permanenteng rehabilitation ng MacArthur Highway sa ilang bahagi ng lungsod.
Sa Marulas, ongoing ang rehabilitation hanggang October 7, 2026 habang nagsimula na rin ang proyekto sa Dalandanan at Karuhatan na matatapos sa October 15 at November 22.
Kasama rin sa mas malawak na rehabilitation ang bahagi mula Marulas hanggang Karuhatan, na nakatakdang isagawa mula August 20, 2026 hanggang April 2, 2027.
Nanawagan naman ng pang-unawa ang lokal na pamahalaan sa mga motorista sa posibleng pansamantalang abala sa daloy ng trapiko habang isinasagawa ang mga pagkukumpuni.
📸 Valenzuela LGU

