Tiniyak ng bagong pamunuan ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth na tuloy-tuloy ang kanilang pagbibigay ng dekalidad na serbisyo at mas komprehensibong mga benepisyo para sa bawat Pilipino.
Ito ang siniguro ni PhilHealth President and CEO Dr. Beverly Ho kasabay ng pagbibigay nito ng overview sa shared roadmap ng PhilHealth at ng Department of Health sa ilalim ng Unified National Agenda for Health o UNA.
Kabilang nga sa mga tututukang strategic focus sa ilalim ng UNA ang pagpapalakas pa sa Yaman ng Kalusugan Program o YAKAP, partikular na sa mga paaralan at workplaces.
Kasama rin sa UNA ang integration ng mga core health services ng PhilHealth at DOH, pagpapaunlad pa sa provider payment mechanisms, pagpapaunlad pa sa data analytics at pagpapabuti pa sa performance management ng PhilHealth.
Tiniyak din ni Ho sa mga stakeholder ng PhilHealth na hindi nito puputulin ang mga nauna nang inisyatiba na inilunsad ng dating pamunuan ng PhilHealth sa ilalim ni ngayo’y Health Secretary Dr. Edwin Mercado.
