Target ng House prosecution panel na matapos ang presentasyon ng lahat ng kanilang ebidensya sa apat na articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte bago matapos ang Setyembre.
Ayon kay House prosecutor Terry Ridon, layunin nilang maibigay sa defense ang sapat na panahon para ilatag naman ang kanilang mga ebidensya mula Oktubre hanggang Nobyembre.
Kaugnay nito, bukas ang prosekusyon sa posibilidad na dagdagan ang mga araw ng paglilitis upang mapabilis ang impeachment proceedings.
Sinabi ni Ridon na makatutulong ang mas maraming trial dates at mas mahabang oras ng paglilitis upang maiwasan ang mga delay at maisulong ang speedy disposition ng kaso.
Kabilang sa posibilidad ang pagkakaroon ng apat na araw na paglilitis kada linggo, bagama’t kailangan pa itong ikonsulta sa Senate Secretary at mga kawani ng Senado.