Kinumpirma ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) nitong Biyernes na naitala ng bansa ang pinakamababang poverty incidence sa kasaysayan na 9.7% noong 2025.
Dahil dito, nakamit ng bansa ang single-digit target sa ilalim ng Philippine Development Plan (PDP) nang tatlong taon na mas maaga sa schedule.
Ayon sa 2025 Full-Year Poverty Statistics na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Agosto 21, humigit-kumulang 6.5 milyong Pilipino ang naiahon mula sa “below poverty threshold” sa pagitan ng taong 2023 at 2025.
Bumaba ang bilang ng mga Pilipinong nabubuhay sa ilalim ng poverty threshold mula 17.5 milyon noong 2023 tungo sa 11 milyon noong 2025.
Binigyang-diin ni DEPDev Secretary Arsenio Balisacan na ang pag-abot sa milestone na ito bago ang nakatakdang panahon ay nagpapatunay na ang pagpapalawak ng mga oportunidad sa ekonomiya, na pinalalakas ng epektibong proteksyong panlipunan, ay nagdudulot ng makabuluhang pagbabago sa buhay ng mamamayan.
“For the first time, fewer than one in ten Filipinos is living below the poverty line,” giit ni Balisacan.
Mula 2023 hanggang 2025, lumawak ang mga oportunidad sa ekonomiya kasabay ng patuloy na paglago ng gross domestic product (GDP), pagdahan-dahan ng implasyon, at pangkalahatang maayos na sitwasyon sa paggawa.
Noong 2024 at 2025, pumalo sa average na 5.1 porsyento ang real GDP growth, umabot sa average na 2.5 porsyento ang implasyon, at nanatiling mababa ang unemployment rate sa average na 4.0 porsyento.
Ipinakita rin sa datos ng PSA na tumaas ng humigit-kumulang 22 porsyento ang nominal income sa lahat ng income decile sa pagitan ng 2023 at 2025 mas mataas kaysa sa kumulatibong inflation rate na 5.0 porsyento sa parehong panahon. Nagpapahiwatig ito na ang paglago ng kita ay naging inklusibo at nakinabang ang mga sambahayan sa iba’t ibang antas ng pamumuhay.
Inihayag din ni Balisacan na ang mga direktang tulong at programa ng pamahalaan kabilang ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Social Pension Program, KADIWA, Walang Gutom Program, Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), at DOLE Integrated Livelihood and Emergency Employment Program (DILEEP) ay nakatulong upang mabawasan ang agwat sa kita sa mga nakalipas na taon.
Aniya, dahil sa mga interbensyong ito ay naging mas mabilis ang pagbawas ng kahirapan kaugnay ng paglago ng ekonomiya.
Gayunpaman, nagbabala si Balisacan na maaaring bumagal ang bilis ng pagbaba ng kahirapan dahil sa mas mapanghamong sitwasyon ng ekonomiya ngayong 2026.
“Current developments may slow the pace of poverty reduction, but early indications do not point to a reversal of the gains we have achieved,” ani Balisacan. “As we enter the final years of the administration, our priority is to ensure that families who have moved out of poverty do not fall back into it. Sustaining these gains will require a swift recovery in economic growth; continued efforts to increase investment, productivity, and job creation; upskilling and reskilling for emerging sectors; and timely support for businesses and workers affected by economic and climate-related disruptions,” dagdag pa nito.