Umabot na sa 190.47 meters ang lebel ng tubig sa Angat Dam sa Bulacan, ayon sa datos na naitala alas-8 ng umaga nitong Sabado, August 22.
Ayon sa monitoring ng PAGASA Hydrometeorology Division, mas mataas ito ng 0.57 meter kumpara sa 189.90 meters na naitala kahapon.
Gayunman, nananatili pa rin itong mababa sa Normal High Water Level na 210 meters.
Samantala, nilimitahan na rin ang pagpapakawala ng tubig sa Ambuklao at Binga Dams, kung saan tig-iisang gate na lamang ang bukas.
Nagdi-discharge ng 63.42 cubic meters per second (CMS) ang Ambuklao Dam, habang 90.49 CMS naman ang Binga Dam.
Patuloy pang mino-monitor ang lebel ng tubig sa mga dam, kabilang ang Angat Dam, na pangunahing pinagkukunan ng suplay ng tubig para sa Metro Manila.