Naniniwala si Senador Bam Aquino na dapat pondohan ang mga totoong flood control project katulad ng sa Marikina City at Navotas City.
Sinabi ni Senador Aquino na sa budget hearing, bubusisiing maigi ng Senado kung magagamit ba sa tama ang mahigit ₱100 bilyon na unprogrammed funds sa 2027 national budget na posibleng mapunta sa flood control projects.
“Ang mangyayari diyan, itong ₱100 billion na iyan, aaralin namin. Anong mga lugar iyan? What are these projects?” giit ni Aquino, sa pagsasabing dapat de-kalidad ang mga proyektong paggagamitan nito gaya ng flood control ng Navotas at Marikina.
“Or these are real flood control projects like what we’ve seen in Marikina, in Navotas. Yung totoong infrastructure talaga na nakakatulong sa tao,” dagdag pa niya.
Aniya, marapat lang na pondohan ang proyekto kung kasing-epektibo ito ng Marikina at Navotas, na napatunayang epektibo sa kasagsagan ng nagdaang mga bagyo at Habagat.
Naniniwala rin si Aquino na pag-aralang mabuti ang distribusyon ng flood control projects at gawing prayoridad ang mga congressional district na madalas binabaha.
Aniya, hindi na katanggap-tanggap ang sinabi sa kanya ni dating Department of Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan noong 2025 na pantay ang ginagawa nilang distribusyon ng flood control projects, kahit sa lugar na walang baha.
Ayon pa kay Aquino, hindi sumagot si Bonoan nang sitahin niya ang pamamaraang ito.
Isinusulong din ni Aquino ang agarang pagpasa ng kanyang Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act, na kilala rin bilang Blockchain the Budget Bill, para mapalakas ang transparency at pananagutan sa paggasta ng pamahalaan.
Inaprubahan ng Senado ang Senate Bill No. 1506, o ang CADENA Act, sa ikatlo at huling pagbasa noong Dec. 15, 2025, sa botong 17-0, na walang pagtutol o abstention.
Sa kabila ng natanggap na ulan na katulad ng pagtama ng Bagyong Ondoy, mabilis na humupa ang tubig sa Marikina City, sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Maan Teodoro, partikular sa mga pangunahing kalsada ng lungsod.
Napansin din ng mga residente ang pagbuti ng flood-control response ng Marikina City kumpara sa paghagupit ng Bagyong Ondoy noong 2009.
Pinatunayan naman ng Navotas ang kahalagahan ng pangmatagalang pagtustos sa flood control infrastructure na nabuo at napondohan noong panahon ni Navotas Rep. Toby Tiangco,
Kahit malakas ang ulan, tuloy-tuloy na gumagana ang navigational gate, coastal dike, at network ng pumping stations ng siyudad para makontrol ang tubig-baha. Napigilan din nitong makapasok ang tubig-dagat sa mga komunidad tuwing high tide habang epektibong inaalis ang tubig-ulan sa mga kalsada.