Mas pinaigting na proteksyon para sa mga batang Pilipino sa internet ang isinusulong ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) laban sa online grooming, exploitation, radicalization, at iba pang panganib sa digital space.
Ayon kay CICC Undersecretary Aboy Paraiso, mahalagang magkaroon ng malinaw at koordinadong hakbang ang pamahalaan upang matiyak na ginagawa rin ng mga social media, messaging, streaming, online gaming, at iba pang digital platforms ang kanilang bahagi sa pagprotekta sa mga menor de edad.
Nagbabala rin ang CICC na maaaring mas mahigpit na aksyon ang ipatupad laban sa mga platform na paulit-ulit o sadyang hindi sumusunod sa mga kinakailangang child protection measures. Kabilang dito ang restriction o suspension ng access sa Pilipinas, kung naaayon sa batas.
Para sa CICC, malinaw ang mensahe: ang kaligtasan ng mga bata online ay responsibilidad ng lahat. Kailangang magtulungan ang pamahalaan at mga digital platform upang gawing mas ligtas ang internet para sa bawat batang Pilipino.