Photo courtesy of PNP-PIO
Tatlong katao ang arestado matapos makumpiska ng Philippine National Police (PNP) ang tinatayang ₱13.16 milyon halaga ng mining equipment at umano’y mineral ores sa Iligan City.
Ayon kay PNP Chief PGEN Jose Melencio Nartatez Jr., isinagawa ang operasyon sa Sitio Binasan, Barangay Rogongon, ng Police Regional Office-10 kasama ang DENR-CENRO Iligan at Task Force Kinaiyahan, matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa illegal mining.
Ang tatlong naaresto ay pawang residente ng Cagayan de Oro City, habang nakatakas naman ang ilan pa nilang kasamahan.
Kabilang sa mga nakumpiska ang backhoe, crawler excavator, mga hose, bilingan, improvised separator, walong water pump, at kalahating sako ng umano’y mineral ores.
Ang tatlo ay mahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree No. 705 o Revised Forestry Code. Iginiit ni Nartatez na pananagutin ang mga mapatutunayang sangkot sa illegal mining at sisiguraduhing mapoprotektahan ang likas na yaman ng bansa.