Photo courtesy of Department of Agriculture (DA)
Nadagdagan pa ang halaga ng pinsala at pagkalugi sa sektor ng agrikultura dahil sa epekto ng Habagat at mga bagyong Luis, Maymay, at Neneng.
Batay sa pinakahuling datos ng Department of Agriculture (DA), umabot na sa ₱1.79 bilyon ang kabuuang pinsala at production losses sa walong rehiyon sa bansa.
Kabilang sa mga apektadong rehiyon ang Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, at Western Visayas.
Apektado ang mahigit 51,000 magsasaka at mangingisda, habang higit 41,000 ektarya ng agricultural areas ang napinsala, na katumbas ng mahigit 44,000 metric tons na pagkalugi.
Kabilang sa naapektuhan ang palay, mais, cassava, high-value crops, fisheries, livestock, at poultry, pati mga imprastraktura, makinarya, at kagamitan sa agrikultura at pangisdaan. Samantala, nagpapatuloy ang assessment at validation ng DA sa mga apektadong lugar, kaya posibleng madagdagan pa ang halaga ng pinsala.