Nagkakaisa sa pananaw sina Ombudsman Jesus Crispin Remulla at DPWH Secretary Vince Dizon na mas mainam ang Public-Private Partnership (PPP) para sa malalaking proyektong pang-imprastraktura.
Ito ay kasunod ng pagbanggit ni Remulla sa ilang proyektong nagkaroon ng problema at pagkaantala.
Kabilang dito ang ₱9-bilyong UP-PGH Cancer Center na walang nag-bid, ₱8-bilyong Bureau of Immigration building na sampung taon nang ginagawa, at flood control project sa Cebu na mula 63 metro ay naging 25 metro na lamang.
Ayon kay Remulla, mas mainam na bumili na lamang ng gusali sa pribadong sektor kung ito ay mas mura, mas maayos, at mas de-kalidad.
Sang-ayon naman si Dizon. Aniya, habang hindi pa naaayos ang sistema sa DPWH, mas mainam ang PPP para sa mas mabilis at de-kalidad na mga proyekto.
Kabilang sa mga PPP project ang ₱10.74-bilyong Civil Aviation and Immigration Security Services (CAISS) project, na magmo-modernize sa 11 paliparan gamit ang AI, biometrics, at real-time data. Giit nina Remulla at Dizon, mahalaga ang PPP dahil limitado ang pondo ng gobyerno at sa ganitong paraan, mas napapabilis ang mga proyekto at napapahusay ang serbisyo para sa publiko.