Nananatiling nakaalerto ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa posibleng epekto ng Bagyong Obet at pag-igting ng Habagat.
Bilang paghahanda, nakaposisyon na sa mga warehouse ng DSWD sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang 3.7 milyong Family Food Packs (FFPs), 314,427 ready-to-eat food boxes, at 275,520 non-food items.
Nakahanda ang mga ito para agad na maipadala sa mga lugar na posibleng maapektuhan at mangailangan ng karagdagang tulong.
Samantala, batay sa pinakahuling update ng DSWD, umabot na sa 1.7 milyong FFPs ang naipamahagi sa mga lugar na naapektuhan ng Bagyong Luis, Maymay, Neneng, at Habagat.
Kabilang sa mga nakatanggap ng augmentation support ang mga lokal na pamahalaan sa National Capital Region, Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, at Zamboanga Peninsula.
Patuloy namang pinaiigting ng DSWD ang paghahanda at pre-positioning ng relief supplies para matiyak na sapat at agad na maipapadala ang tulong sakaling maapektuhan ng bagyo at Habagat ang mga komunidad.