Patuloy ang paalala ng Quezon City LGU sa mga residente na iwasang lumusong sa baha upang makaiwas sa leptospirosis.
Batay sa pinakahuling datos ng QC Epidemiology and Surveillance Division (QCESD), umabot na sa 213 kaso ng leptospirosis sa Quezon City mula January hanggang August 20, 2026.
Sa kabuuang bilang, 168 kaso o 79% ay nasa edad 21 pataas, habang mas maraming lalaki ang naapektuhan, na may 171 kaso. Nakapagtala na rin ng 24 na pagkasawi na maiuugnay sa leptospirosis.
Pinakamataas pa rin ang bilang ng mga kaso sa District 2.
Paalala ng lokal na pamahalaan, gumamit ng proteksiyon gaya ng bota at guwantes kung kinakailangang lumusong sa baha. Panatilihing malinis ang paligid upang maiwasan ang pagkalat ng bacteria na maaaring magmula sa ihi ng daga at iba pang hayop.
Kung hindi maiiwasang lumusong sa baha, pinapayuhan ang publiko na agad na magpakonsulta sa pinakamalapit na health center upang mabigyan ng angkop na payo at, kung kinakailangan, reseta ng doxycycline bilang preventive measure laban sa leptospirosis.

