Itinutulak ng Department of Finance (DOF) ang mas malawak na reporma upang mapabilis at mapababa ang gastos sa pagtatayo ng abot-kayang pabahay sa bansa.
Sa mensahe ni Finance Secretary Frederick D. Go na inihatid ni DOF Undersecretary Michael Peter A. Alejandro sa OSHDP Affordable Housing Summit 2026, binigyang-diin ang pagbawas sa cost of doing business at pagpapasimple ng mga proseso para sa housing developers.
Nilinaw din ni Alejandro, na maaantala nang 12 hanggang 24 na buwan ang pagpapatupad ng Real Property Valuation and Assessment Reform Act o RPVARA.
Ayon sa DOF, hindi rin awtomatikong nangangahulugan ang RPVARA ng pagtaas ng real property taxes.
Tiniyak ng ahensya na patuloy nitong palalakasin ang fiscal fundamentals ng bansa upang matulungan ang mga developer na makapagtayo ng mas mabilis ng mas abot-kaya at dekalidad na pabahay para sa mga pamilyang Pilipino.