Bumaba ng ₱5.68 bilyon ang kabuuang kita ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) noong 2025, at inaasahang mas mababa pa ang kita nito ngayong 2026 dahil sa paghina ng gaming operations.
Sa budget hearing sa Kamara, sinabi ng PAGCOR na malaki ang naging paghina ng gaming activity noong huling bahagi ng 2025 matapos i-delink ang mga e-wallet sa online gaming platforms, na nagresulta umano sa tinatayang 40 porsyentong pagbaba ng gaming activity.
Batay sa presentasyon ng PAGCOR, mula sa ₱111.71 bilyon na kabuuang kita noong 2024, bumaba ito sa ₱106.03 bilyon noong 2025.
Bumaba rin ng ₱2.38 bilyon o 2.5 porsyento ang gaming revenue ng PAGCOR, mula ₱97.52 bilyon noong 2024 tungong ₱95.14 bilyon noong 2025.
Nakaapekto rin umano ngayong 2026 ang Middle East crisis, na tumama kapwa sa land-based casinos at online gaming market.
Gayunman, sinabi ni PAGCOR Chair Alejandro Tengco na nagsimula nang makabawi ang gaming activity, na tumaas ng 10 porsyento noong Hulyo at nanatili sa parehong antas ngayong Agosto, habang nakikita rin ang pagdami ng mga turistang tumatangkilik sa integrated resorts.