Kinalampag ni Quezon 3rd District Representative Reynante Arrogancia ang kanyang mga kasamahang mambabatas na talakayin na ang panukalang Child Firearm Access Prevention Act na kanyang inihain.
Layunin ng House Bill No. 7708 na linawin at palakasin ang pananagutan ng mga gun owner kapag dahil sa kanilang kapabayaan ay nakakuha ng baril ang isang taong wala pang 21-anyos.
Ayon kay Arrogancia, mayroon nang batas na nag-aatas sa mga lisensyadong may-ari ng baril na tiyaking ligtas ang pagkakatago ng kanilang mga armas, ngunit wala umanong partikular na kriminal na pananagutan para sa kapabayaang nagresulta sa pagkakuha ng baril ng isang menor de edad o kabataan.
Sa ilalim ng panukala, maaaring managot ang gun owner kung alam o dapat niyang malaman na maaaring makuha ng isang wala pang 21-anyos ang baril, at ito ay nakuha o naiputok, o nagresulta sa pagkasugat o pagkamatay ng isang tao.
Itinatakda sa panukala ang parusang hanggang isang taong pagkakakulong at/o multang hanggang ₱100,000.
Giit ng mambabatas, responsibilidad ng bawat gun owner na tiyaking hindi mapupunta ang kanilang baril sa kamay ng mga taong hindi dapat humawak nito, kaya dapat ding malinaw ang pananagutan kapag nagpabaya ang may-ari.
