Hindi na ikagugulat ni House Prosecutor Terry Ridon kung may mag-akyat sa Korte Suprema ng usapin sa bilang ng boto na kailangan para mahatulan si Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Ridon, malamang na may dumulog sa Supreme Court anuman ang magiging pasya ng Senate Impeachment Court sa conviction threshold.
“Sa totoo lang naman… ang expectation natin, whatever the decision may be, malamang may pupunta naman talaga sa Supreme Court, whether we are talking about 16 or we are talking about a lower number. Tingin ko, lagi-lagi may pupunta po sa Korte Suprema, whichever party,” saad ni Ridon sa isang news forum.
Kabilang dito ang posibilidad na manatili sa 16 na boto ang kailangan o ibaba ito.
Sinabi ni Ridon na hindi naman hinihiling ng prosecution panel ang isang partikular na interpretasyon sa two-thirds requirement at ipinauubaya ito sa mga senator-judges.
Nasa Konstitusyon na kailangan ang concurrence ng two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado para mahatulan sa impeachment.
Una nang sinabi ng Impeachment Court na 16 na boto ang kailangan para ma-convict si Duterte, pero ayon kay Ridon, hindi pa tuluyang sarado ang usapin.
“May mga statements na po ng mga binanggit. So I think meron position po ang presiding officer, meron din pong paglinaw din po yung tagapagsalita ng court. Pero we will see. Kasi yung bagay na naman po na ’yan ay, I think, hindi pa tapos na tapos na usapin,” giit ni Ridon.