Pinag-iingat at pinaghahanda ngayon ng Office of Civil Defense (OCD) ang publiko kaugnay sa epektong dulot ng mga pag-ulang dala ng Habagat at paiigtingin ng bagyong nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) at may international name na Saduel.
Ayon kay OCD Deputy Administrator for Administration, Assistant Secretary Raffy Alejandro, malaki ang tsansang paigtingin ng bagyo ang Habagat na siyang magpapaulan sa malaking bahagi ng bansa partikular na sa kanluran at gitnang Luzon kasama na ang National Capital Region (NCR).
Kahapon, nagsagawa ng Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) ang National Disaster Risk Reduction and Managment Council (NDRRMC) para tukuyin ang mga gagawing paghahanda kaugnay ng papalapit na bagyo.
Ani Alejandro, inaasahang muling magbabalik ang mga pag-ulang dala ng Habagat hanggang sa susunod na weekend hanggang sa makapasok ang binabantayang bagyo na tatawagin namang #ObetPH.
Kaya naman muling pagaganahin ng OCD ang National Disaster Risk Reduction and Management Operations Center (NDRRMOC) at ang Inter-Agency Coordinating Cell para sa mas mabilis na ugnayan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.