Pinaalalahanan ng Philippine National Police (PNP) ang publiko na suriing maigi ang mga produktong ibinebenta sa merkado bago ito bilhin.
Ito’y matapos maharang ang dalawang truck na naglalaman ng mahigit sa anim na milyong pisong halaga ng palm cooking oil o mantika sa isinagawang operasyon sa Brgy. Bacungan, Puerto Princessa City sa Palawan noong August 20.
Ikinasa ng Special Operations Unit ng Puerto Princessa City Police Office ang naturang operasyon katuwang ang iba pang yunit.
Nabisto ang iligal na pagbebenta ng naturang mga mantika matapos magpanggap na buyer ang isang pulis kung saan, nasabat ang aabot sa 18 litro ng mantika.
Nagresulta naman ito sa pagkakaaresto ng isa at pagkakaharang ng dalawang truck na naglalaman ng kabuuang siyam na libong litro ng mantika na walang kaukulang dokumento.
Ikinakasa na ng Pulisya ang mga kasong isasampa laban sa naaresto gayundin sa nasa likod ng naturang kargamento.
Pinuri naman ni PNP Chief, Police Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang operasyon, sabay giit na ang tagumpay nito’y nakasalalay din sa pakikipag-tulungan ng publiko.


