Pinaalalahanan ng Department of Agriculture (DA) ang mga magsasaka at mangingisda sa posibleng epekto ng mga bagyong mino-monitor at ng Habagat sa ilang bahagi ng bansa.
Ayon sa DA, bagamat hindi inaasahang direktang tatama sa kalupaan ang bagyo, malaking bahagi pa rin ng Luzon, Western Visayas, at Negros Island Region ang makararanas ng pag-ulan dahil sa epekto ng Habagat.
Dahil dito, pinapayuhan ng DA ang mga magsasaka na anihin na ang mga pananim na maaari nang anihin, ilipat sa ligtas at mataas na lugar ang mga binhi, materyales at iba pang gamit pansakahan, at tiyaking may sapat na pagkain, tubig, at gamot para sa mga hayop na maaaring ilikas.
Mahalaga rin umanong linisin ang mga irrigation canal para mapabilis ang pagdaloy ng tubig at makatulong na maiwasan ang pagbaha.
Samantala, pinapayuhan din ang mga mangingisda na ilipat sa mataas at ligtas na lugar ang mga bangka at iba pang kagamitan sa pangingisda, at ipagpaliban muna ang paglalayag kung kinakailangan dahil sa posibilidad ng malalakas at matataas na alon.